arrowenvelopefacebookinstagramlinked-intwitteryelpyoutube

Ano’ng Masamang Dulot ng Local Search Results ng Google sa mga Mamimili at Bakit Pumalag ang EU

Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa focusontheuser.eu

Ngayong araw na ito, inanunsyo ng European Commission na lumabag ang Google sa antitrust rules dahil sa pagmamanipula nila ng search results para sa ikauunlad ng mga inaalok nilang serbisyong may kaugnayan sa search. Isang mahalagang desisyon ang binaba ng EU antitrust at kinakailangang magbayad ang Google ng €2.42 bilyong multa. Maliban dito, 90 araw lang ang palugit na binigay sa Google para tuluyan nilang ihinto ang anumang diskriminasyong binabato nila sa mga kakompetensya. Layunin nitong gawing patas ang kompetisyon pagdating sa online search para na din sa ikabubuti ng mga mamimili.

Inutusan ang Google na ihinto ang panlalamang sa iba

Napatunayang ilegal ang ginagawang pagmamanipula ng Google para lang maging mas tanyag ang kanilang mga serbisyong may kaugnayan sa online na paghahanap. Bagamat ang desisyong ito ay batay sa pagkukumpara ng mga serbisyong may kaugnayan sa pamimili, kinikilala din ng European Commission na apektado din ng pandaraya ang iba pang aspeto, gaya ng lokal na search. Kaya naman, inutusan na ang Google na itigil ang lahat ng di-wastong aktibidad na magbibigay-daan upang makaungos ang kanilang search.

Bakit napakahalaga ng lokal na paghahanap

Itinuturing na isa sa pinakamahalagang gawain sa internet ang paghahanap ng lokal na negosyo. Pinag-uugnay nito ang paghahanap gamit ang internet at ang mga lokal na negosyo. Ang mga lokal na search – gaya ng paghahanap ng pediatrician sa Munich, hotel sa Barcelona o Thai restaurant sa Copenhagen – ang bumubuo sa malaking bahagi ng search. Halos isang-katlo ito ng paghahanap na ginagawa gamit ang desktop at halos kalahati naman ito ng paghahanap na ginagawa gamit ang smartphone. Dahil sa Chrome na pauna nang naka-install sa iOS Safari at Android, nakakatanggap ang Google ng 98% market share mula sa mga smartphones.

Pitong taon ang itinagal ng imbestigasyon ng European Commission sa Google. Ito’y nag-ugat sa mga reklamo mula sa iba’t-ibang kompanya sa Europa at Amerika, pati na rin mula sa iba pang pangkat ng mga mamimili. Naging parte ang Yelp ng mga reklamong ito at patuloy ang pakikipag-ugnayan namin sa mga awtoridad sa EU upang magbigay ng karagdagang ebidensya na magpapatunay na nakakasama ito sa mga mamimiling umaasa sa lokal na search.

Epekto sa implementasyon sa Estados Unidos

Dahil sa resulta ng pagsisiyasat ng Komisyon, nagkaroon ng pamantayan para sa implementasyon sa Estados Unidos. Noong 2013, tumigil na ang Federal Trade Commission sa pagsisiyasat sa mga kaduda-dudang gawain ng Google. Subalit, dahil sa patuloy na pagsusuri ng mga awtoridad ng EU, pati na ang matinding epekto sa mga mamimili, napwersa ang FTC na gumawa ng hakbang upang mapangalagaan ang mga mamimili sa Amerika.

Bakit nakakasama sa mga mamimili ang mga gawain ng Google

Nagbuklod-buklod sina Tim Wu, isang propesor sa Columbia Law School, si Michael Luca, isang ekonomista mula sa Harvard Business School, pati na rin ang Data Science Team ng Yelp upang maglathala ng pagsusuring nagsisiyasat kung ano ang epekto ng pagmamanipula ng Google sa mga mamimili. Ayon sa isinagawang pagsisiyasat, napatunayang, oo, nakakasama nga ito sa mga mamimili.

Kapag hindi nasolusyonan kaagad ang di-wastong gawain ng Google sa Estados Unidos, maaaring hindi na mabawi pa ang magiging masamang epekto nito sa mga mamimili. Sana’y magsilbing inspirasyon para sa Estados Unidos ang naging desisyon ng EU. Karapatan ng mga mamimili na mapangalagaan sila, kahit nasaang parte man sila ng mundo.