arrowenvelopefacebookinstagramlinked-intwitteryelpyoutube

9 na Ekspertong Payo Tungkol sa Yelp iPhone App

Ngayong tapos mo nang i-download ang Yelp app, ano nang kasunod? Madaming bookmarks? Tapos na. Pagpapareserba? Tapos na din. ‘Di ba madali lang mag-check in? Pero maliban sa mga ‘to, marami pang pwedeng gawin. Heto na ang siyam na epektibong payo namin kung paano ka magiging eksperto sa paggamit ng Yelp app.

1. Mga Pinakabagong Negosyo
Ipaalam mo sa mga kaibigan mo na lagi kang una sa pinakabagong balita.

Wala nang makakatalo sa’yo kung lagi kang nangunguna sa pagtuklas, pagbabahagi at pagbabalita tungkol sa mga bagong bukas na negosyo. Ipapakita ng feature na ‘to ang mga pinakabagong negosyong paksa ng usap-usapan sa kasalukuyan.

2. Talk
Ito ang lugar kung saan pwede kang magtanong at makakuha ng sagot

Nalilito ka ba? Gusto mo ba’ng malaman kung ano’ng iniisip ng iba? O gusto mo lang makipag-ugnayan? Talk threads ang tamang lugar para sa lahat ng ‘yan! Pumunta sa lang sa Talk at praktisin na ang kagalingan mo sa pakikipag-komunikasyon sa iba. Pindutin lang ang karagdagang opsyon at simulan nang makipag-ugnayan sa iba sa pamamagitan ng Talk.
3. Mga Pangunahing Check-In
Maging bahagi ng leaderboard

Gusto mo ba’ng makita kung kasama ka o ang mga kaibigan mo sa leaderboard? O kaya naman ay silipin ang mga lugar na napuntahan mo na (mga gagawan mo pa lang ng review, at iba pa)? Pwede mo nang makita lahat ng ‘to sa mga Check In. Kasama ka na ba sa mga dugong-bughaw pagdating sa mga check in?

4. Mga Papuri
Ipakalat ang pagmamahal

Nakakita ka ba ng larawan na nagustuhan mo? O kaya naman ay may nabasa kang review tungkol sa mga pinakamasarap na putahe sa isang kainan? O naging fan ka na ng istilo ng pagsusulat ng ibang Yelper? Pwede mo nang ipadama sa kanila ang paghanga mo sa pamamagitan ng pagpapadala ng papuri. Ito ang pangunahing paraan para ipaalam sa iba na malaki ang naitulong nila sa’yo.

5. Mapa Para sa mga Check In
Tingnan lahat ng lugar na binisita mo sa pamamagitan ng Yelp

Marami ka na ba’ng check-ins? Nakapaglakbay ka na ba sa iba’t-ibang lugar sa mundo? Gusto mo ba’ng balikan ang mga lugar na napuntahan mo na? Pwede mo nang makita lahat ng check in mo sa buong mundo (o sa buong barangay). Pwede ka pang mag-zoom in o zoom out, para mas makita mo ang mga lugar na tinangkilik mo.

6. Basahin ang Lokal na Yelp
Alamin ang mga uso sa lugar mo linggo-linggo

Mahirap bantayan ang emails kung minsan. Kung hindi mo nakita sa inbox mo ang tungkol sa Lokal na Yelp, pwede mo pa rin itong makita sa app at basahin kahit nasaan ka pa. Mas madali nang mabalitaan ang tungkol sa mga pinakasikat na lugar at mga pinakabagong kaganapan. Mas madali mo na ding ma-bookmark ang mga lugar na interesado kang puntahan!

7. Magdagdag ng Negosyo
May kulang na negosyo sa Yelp? Idagdag mo na!

May hinahanap ka ba’ng negosyo na wala pa sa Yelp? Pagkakataon mo na para maging kauna-unahang magsulat ng review para sa isang negosyo. Pindutin lang ang “Magdagdag ng Negosyo”, idagdag ang mga detalye, at pwede ka nang mag-check in at magdagdag ng mga larawan. Dahil sa’yo, matutuklasan na din ang negosyong ‘to ng ibang tao!

8. Magbahagi ng Negosyo
Ibahagi mo sa iba ang kaalaman mo!

Ikaw ba ang laging tinatanong ng mga barkada mo kung saan masarap kumain? Ipadala mo na sa mga kaibigan mo ang Yelp link para makita nila ang address, numero ng telepono, mga larawan, pati na mga reviews. Pindutin lang ang tatlong magkakasunod na tuldok na makikita sa kanang itaas na bahagi at pwede mo nang ibahagi ang negosyo sa iba.

9. Monokol
Nandito na ang hinaharap!

Kung lagi kang naliligaw, o gusto mo lang ng mga makabagong bagay, silipin mo na ang Monokol. Hawakan ang telepono mo sa harapan mo at umikot para makita mo ang iba’t-ibang negosyo! Tandaan: wag gawin ‘to habang naglakad ka dahil baka ka madapa.

May kilala ka ba’ng baguhan sa paggamit ng Yelp? May blog post kami para sa kanila.